
Nanguna si House Majority Leader Sandro Marcos sa listahan ng mga distrito na may pinakamalaking halaga ng mga proyektong pang-imprastraktura ng Department of Public Works and Highways o DPWH na umano’y idinagdag sa panukalang pambansang badyet para sa 2027.
Batay sa datos ng People’s Budget Coalition, mayroong 405 proyekto na nagkakahalaga ng P4.37 bilyon na nakalaan sa unang distrito ng Ilocos Norte, na kinakatawan ni Marcos.
Inilahad ang naturang datos sa konsultasyon ng Senate Committee on Finance kasama ang mga civil society organization nitong Lunes, Oktubre 26, kung saan kinuwestiyon ng budget watchdog ang mahigit P1 trilyong umano’y budget insertions sa bersyon ng P7.2 trilyong pambansang badyet na inaprubahan ng Kamara.
Ayon kay Kenneth Isaiah Abante ng People’s Budget Coalition, kabilang sa mga tinukoy nilang kahina-hinalang alokasyon ang tinatayang 7,000 proyektong pang-imprastraktura na nagkakahalaga ng P190 bilyon.
Sa badyet ng DPWH, nasa 6,200 proyekto na nagkakahalaga ng P172 bilyon ang umano’y idinagdag, na karamihan ay mga multipurpose building.
Kabilang din sa mga natukoy na proyekto ang mahigit 180 pasilidad pangkalusugan na nagkakahalaga ng P2 bilyon sa badyet ng Department of Health, mahigit 350 farm-to-market road na nagkakahalaga ng P6 bilyon sa Department of Agriculture, at mahigit 200 proyekto sa irigasyon na nagkakahalaga ng P7 bilyon sa National Irrigation Administration.
Kinuwestiyon din ng grupo ang pagdagdag ng P43 bilyon sa pondo para sa multipurpose buildings ng DPWH, sa kabila ng pagbabawas sa alokasyon para sa ilang malalaking proyektong pang-imprastraktura at paghahanda sa sakuna.
Kabilang sa mga proyektong nabawasan ng pondo ang Laguna Lakeshore Road na tinapyasan ng halos P27 bilyon, Metro Manila Subway na nabawasan ng halos P20 bilyon, at North-South Commuter Railway na tinapyasan ng P15 bilyon. Nabawasan din ng P7.75 bilyon ang pondo ng National Disaster Risk Reduction and Management Council.
Samantala, pumuwesto sa ikaapat na ranggo ang ikaanim na distrito ng Isabela, na kinakatawan ni House Speaker Faustino Dy III, sa listahan ng mga distrito na may pinakamalaking halaga ng umano’y DPWH project insertions. Mayroon itong 147 proyekto na nagkakahalaga ng P1.68 bilyon, na pinaghahatian ng ikaanim at ikaapat na distrito ng Isabela, na kinakatawan ni Representative Joseph Tan.










