
Nagpatotoo si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Roberto Bernardo na humingi umano sa kanya ng tulong si Senador Jinggoy Estrada upang makausap ang dating kalihim na si Manuel Bonoan kaugnay ng P1 bilyong “leadership fund.”
Inilahad ito ni Bernardo sa pagdinig sa Sandiganbayan kaugnay ng petisyon para sa piyansa ni Estrada sa kasong plunder na may kaugnayan sa umano’y iregularidad sa mga flood control project.
Ayon kay Bernardo, nakatanggap umano si Estrada ng P573 milyon na commitment fees mula sa mga proyektong pang-imprastraktura, na idinaan sa apat na magkakahiwalay na paghahatid ng pera mula Nobyembre 2024 hanggang Hunyo 2025.
Gayunman, inamin ni Bernardo na wala siyang mga litrato bilang patunay sa mga transaksiyon. Sinabi rin niyang hindi siya personal na naroon sa unang tatlong paghahatid.
Itinanggi naman ni Estrada ang mga alegasyon at iginiit na maraming hindi pagkakatugma sa testimonya ni Bernardo. Ayon sa senador, hindi siya ang nagdala ng pera sa kanyang tahanan.










