Arestado sa Calamba, Laguna ang isang 26-anyos na Japanese national na umano’y miyembro ng kilalang transnational crime syndicate na “Luffy Group.”

Isinagawa ang pag-aresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration Fugitive Search Unit, Philippine National Police at Japanese Embassy sa tirahan ng suspek.

Ayon sa Bureau of Immigration, kabilang umano ang suspek sa sindikatong sangkot sa panloloko na nakapambiktima ng mga tao sa Pilipinas at nakakuha ng mahigit ₱400 milyon.

Kadalasang nagpapanggap ang mga miyembro bilang mga pulis o opisyal ng bangko at sinasabing may isinasagawang imbestigasyon. Target umano nila ang mga senior citizen na hinihingan ng ATM card, na kalaunan ay ginagamit upang maubos ang laman ng kanilang mga account.

Ayon sa BI-FSU, marami nang miyembro ng grupo ang naaresto at naideport pabalik sa Japan, bagama’t may ilan umanong nagpapatuloy pa rin sa kanilang ilegal na gawain sa bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Kapag nakakuha ng kaukulang clearance, ibabalik sa Japan ang suspek upang doon humarap sa paglilitis.