
Hinimok ni Senator Kiko Pangilinan ang mga ahensya ng gobyerno na ihanda na ang mga suplay ng relief at magpatupad ng mga hakbang na makatutulong para maibsan ang epekto ng Super El Niño.
Sinabi ni Pangilinan, Chairman ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform, na alam naman ng mga ahensya na paparating na ang El Niño kaya mainam kung maaagapan ang epekto ng sobrang tagtuyot kesa sa huli ay magturuan at magsisihan dahil malaki na ang problema.
Ipinapaprayoridad ng senador sa pamahalaan na mabigyan ng agarang tulong ang mga low-income families, farmers, fisherfolk, agricultural workers at iba pang kabilang sa vulnerable sector.
Isinusulong din ng mambabatas ang eight-point action plan kung saan pinakikilos ang Department of Agriculture (DA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), Department of the Interior and Local Government (DILG), Office of Civil Defense (OCD) at mga LGUs na mag-ugnayan sa paghahanda at pagpapatupad ng local readiness plans.
Ang mga planong ito ay tutukoy sa mga available na supplies, storage at distribution facilities, transport arrangements at mga tauhan na maghahatid ng tulong.
Gayundin ang paghahanda ng mga water tankers, pumps, treatment equipment at repair teams para sa deployment kung kakailanganin agad sa panahon ng Super El Niño.










