Nais ni Senator Jinggoy Estrada na imbestigahan ng Senado ang mga pagpatay at pagkawala ng mga environmental defender sa bansa kasunod ng ulat na ika-13 taon nang itinuturing ang Pilipinas bilang pinakamapanganib na bansa sa Asia para sa mga nagtatangol sa kalikasan.

Batay sa datos ng Global Witness, umabot sa 306 ang naitalang pagpatay at pagkawala ng mga environmental defender sa Pilipinas mula 2012 hanggang 2024.

Nakapagtala rin ng 12 pagpatay sa mga tagapagtanggol ng kalikasan sa bansa noong 2025, kabilang ang anim na katutubo, tatlong maliliit na magsasaka at isang mamamahayag.

Tinukoy rin ng organisasyon ang mga insidente ng pagpatay na hinihinalang kinasangkutan ng mga miyembro ng militar. Nagbabala rin ito sa paggamit ng criminalization at red-tagging laban sa mga environmental advocate.

Ayon kay Estrada, isang mantsa sa reputasyon ng bansa ang mga naitalang kaso, lalo na’t may mga pandaigdigang kasunduan sa karapatang pantao na pinangako ang Pilipinas na susundin.

-- ADVERTISEMENT --

Layunin ng isinusulong na imbestigasyon na alamin kung sapat ang mga umiiral na batas para protektahan ang mga environmental defender at matukoy ang mga hakbang upang mapanagot ang mga nasa likod ng mga pag-atake.