
Tinalakay ng International Criminal Court (ICC) ang mahahalagang usaping logistikal at paghahanda para sa paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa ikalimang status conference ng kanyang kasong crimes against humanity.
Kabilang sa mga pinag-usapan ang pagkakaiba ng oras sa Pilipinas at Netherlands, iskedyul ng pagdinig, pagdalo ng mga testigo sa pamamagitan ng video conference at napakaraming dokumentong ebidensiya.
Ayon sa prosekusyon, 29 na testigo ang inaasahang magbibigay ng testimonya nang malayuan.
Tinalakay rin ang kahilingan ng mga abogado ng mga biktima na gumamit ng Tagalog sa bahagi ng pambungad na pahayag.
Gayunman, iginiit ni Presiding Judge Joanna Korner na Ingles at Pranses ang mga opisyal na wika ng korte at may nakahandang interpretasyon at salin sa Tagalog para sa mga biktima.
Ito na ang huling status conference bago magsimula ang paglilitis sa Nobyembre 30. Hindi dumalo si Duterte sa pagdinig matapos niyang talikuran ang kanyang karapatang dumalo.
Nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng crimes against humanity, kaugnay ng umano’y pagkakasangkot niya sa hindi bababa sa 76 na pagpatay mula 2013 hanggang 2018, sa gitna ng kampanya laban sa ilegal na droga.










