
Humingi ng paumanhin ang kolumnistang si Ramon “Mon” Tulfo matapos aminin na mali ang kaniyang naunang ulat na nakalalabas umano ng kulungan si dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez.
Sa kaniyang pahayag nitong Huwebes, sinabi ni Tulfo na maling impormasyon ang natanggap niya at tinanggap niya ito nang hindi muna nabeberipika. Inamin din niyang nakahihiya ang pagkakamali, lalo’t naipasa niya ang naturang ulat sa kaniyang mga mambabasang nagtitiwala sa kaniya.
Nauna niyang sinabi na gumagamit umano si Romualdez ng ambulansya sa paglabas at pagbalik sa kulungan, habang pinapatay naman umano ang kuryente upang hindi makunan ng CCTV ang mga paggalaw nito. Itinanggi na ng Bureau of Jail Management and Penology ang mga alegasyon at sinabing hindi kailanman lumabas ng pasilidad ang kongresista.
Dahil sa naturang ulat, naglunsad ng imbestigasyon ang BJMP at ipinatawag ng Sandiganbayan ang mga opisyal nito upang linawin ang kalagayan ni Romualdez sa detensyon.
Inamin ni Tulfo na nagkamali siya at walang idinahilang palusot. Sinabi rin niyang dapat muna niyang sinuri at kinumpirma ang impormasyong natanggap bago ito inilathala.










