Nanindigan si Education Secretary Sonny Angara na dapat ibatay sa performance at kontribusyon sa publiko ang promosyon ng mga opisyal at empleyado ng Department of Education (DepEd), sa halip na sa kanilang koneksyon sa politika.

Inihayag ito ng kalihim bilang bahagi ng kanyang mensahe sa pinakaunang Literacy and Numeracy Expo cum Training of Trainers on the Institutionalization of Technical Assistance on Instructional Delivery na isinagawa sa Iloilo City kahapon.

Ayon kay Angara, mahalagang kilalanin at bigyan ng nararapat na oportunidad ang mga personnel na nagpapakita ng mahusay at tapat na serbisyo publiko sa kagawaran.

Binigyang-diin niya na ang natatanging pagsisilbi sa mamamayan ang dapat na maging pangunahing batayan sa pagkilala at pag-angat sa posisyon ng bawat kawani.

Dagdag pa ng kalihim, walang lugar sa DepEd ang paggamit ng “backer” o pampolitikang koneksyon upang makakuha lamang ng promosyon.

-- ADVERTISEMENT --

Layunin ng patakarang ito na maiangat ang lebel ng propesyonalismo at masiguro ang mataas na kalidad ng edukasyon para sa mga mag-aaral sa buong bansa.