Itinalaga ni Bangsamoro Chief Minister Abdulraof “Sammy” Macacua ang mga bagong miyembro ng kaniyang Gabinete, wala pang isang linggo matapos siyang manumpa sa puwesto kasunod ng makasaysayang pagbubukas ng kauna-unahang halal na parlamento ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Isinagawa ang pagpili sa mga opisyal matapos ang masusing pagsusuri ng isang komite, batay sa kanilang kakayahan, karanasan, integridad at paninindigan sa mabuting pamamahala.

Kabilang sa mga itinalaga sina MP Abunawas Maslamama bilang Senior Minister; Abdullah M. Cusain bilang Cabinet Secretary; at Judge Duque D. Kadatuan bilang Bangsamoro Attorney-General. Itinalaga rin si Atty. Naguib Sinarimbo sa Ministry of Basic, Higher and Technical Education, habang si Atty. Alirakim Munder naman ang mamumuno sa Ministry of Social Services and Development.

Kasama rin sa bagong Gabinete ang iba pang mga mambabatas, abogado at propesyonal na mamumuno sa mga ministeryo ng kalusugan, agrikultura, pananalapi, kalakalan, paggawa, transportasyon, kapaligiran at iba pang sektor.

Binigyang-diin ni Macacua na tututukan ng kaniyang administrasyon ang moral governance, integridad at pananagutan, gayundin ang pagpapanatili sa mga napagtagumpayan ng proseso ng kapayapaan.

-- ADVERTISEMENT --

Nangako rin siyang sisikaping maramdaman ng bawat pamilya at komunidad ang mga benepisyo ng awtonomiya, sa tulong ng pambansang pamahalaan, mga lokal na pamahalaan at iba pang katuwang ng rehiyon.