
Humingi ng agarang update ang Sangguniang Bayan ng Baggao sa Philippine National Police (PNP) Gattaran kaugnay ng imbestigasyon sa pagpaslang sa isang barangay kagawad at isang residente ng Baggao na natagpuang patay sa Barangay Capissayan Norte, Gattaran, Cagayan.
Sa isinagawang 62nd Regular Session, iminungkahi ni ABC President Albert Barcena ang pagpasa ng isang resolusyon upang hilingin sa pulisya ang napapanahong impormasyon hinggil sa estado at progreso ng imbestigasyon sa pagkamatay nina Barangay Kagawad Johnny Agarpao ng Barangay San Miguel at Jefferson De Leon ng Barangay Lasilat, kapwa sa Baggao.
Ayon kay Barcena, mahalagang malaman ng konseho ang resulta ng imbestigasyon upang mabigyang-linaw ang pangyayari at matukoy ang mga hakbang na ginagawa ng pulisya, lalo’t isa sa mga biktima ay isang lingkod-bayan.
Batay sa paunang impormasyon, natagpuan ng isang magsasaka ang mga labi ng dalawang biktima sa isang masukal na lugar sa Barangay Capissayan Norte, Gattaran, nitong Sabado.
Magkaratig na bayan ang Baggao at Gattaran.
Nabatid na kapwa umano nagnenegosyo sa buy and sell ng kalabaw ang mga biktima.
Iminungkahi naman ni SB Member Jomar Miguel na padalhan din ng liham ang PNP Cagayan at PNP Baggao upang malaman ang mga hakbang na ginagawa ng mga ito laban sa kahalintulad na insidente ng pamamaslang na posibleng may kaugnayan sa umano’y paulit-ulit na modus.
Nabatid na mayroon na ring naitalang kahalintulad na insidente sa Baggao na naganap din sa bayan ng Gattaran at nananatili umanong hindi pa nareresolba.
Nauna rito, nanawagan na rin ng hustisya ang pamilya at mga kaibigan ng dalawang biktima kaugnay ng sinapit ng mga ito.
Sa panig ng PNP Gattaran, nagpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang motibo at mga nasa likod ng krimen.
Samantala, sinabi ni PLTCOL Mario Dangarang, OIC-Chief of Police ng Baggao, na patuloy ang pakikipag-ugnayan ng kanilang himpilan sa PNP Gattaran upang malaman ang pinakahuling estado ng kaso at makatulong sa paghahanap ng hustisya para sa mga biktima.










