
Inatasan ng Philippine National Police (PNP) ang lahat ng regional office at operating unit sa buong bansa na iwasan ang labis na paggastos sa mga gaganaping Christmas party at year-end gathering.
Sinabi ni PNP Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na ang direktiba ay alinsunod sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa pagtitipid ng mga ahensya ng pamahalaan sa gitna ng mga hamong kinakaharap ng bansa.
Linaw ng PNP chief, hindi naman ipinagbabawal ang pagdiriwang ng Pasko ngunit kailangang panatilihing simple at makabuluhan lamang ang mga ito.
Binigyang-diin nito na ang pondo ng pamahalaan ay mas dapat ilaan sa mga pangunahing pangangailangan ng publiko at sa pagpapalakas ng serbisyo sibil.
Nagbabala rin si Nartatez na papanagutin ang anumang tanggapan o yunit ng pulisya na hindi susunod sa kautusang ito ng administrasyon.









