Aabot sa 231,000 laptop ang ipamamahagi ng Department of Education (DepEd) sa mga guro at kawani sa buong bansa upang makatulong sa kanilang mga trabaho.

Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, karamihan sa mga laptop ay MacBook at inaasahang matatapos ang pamamahagi hanggang Marso 2027.

Sinabi ni Angara na dumaan sa legal na proseso at competitive bidding ang pagbili ng mga laptop, na nakuha umano ng pamahalaan sa halagang nasa ₱40,000 hanggang ₱43,000 kada unit, mas mababa sa tinatayang retail value na mahigit ₱70,000.

Samantala, sinabi rin ng kalihim na naipamahagi na ang 1.5 milyong laptop na nabili noong nakaraang administrasyon ng DepEd at dating naiwan sa mga bodega.