Muling inilunsad ng Department of Energy (DOE) ang bidding para sa mga coal block sa bansa, kabilang ang mga minahan sa Semirara Island sa Antique, sa kabila ng mga pagtutol sa patakarang nag-aatas sa mga mining company na isuko sa pamahalaan ang kanilang mga asset.

Saklaw ng bidding ang 10 coal blocks sa Semirara Island sa Caluya, Antique; tatlo sa Amulung at Iguig, Cagayan; at lima sa Benito Soliven, Naguilian at Cauayan sa Isabela.

Batay sa iskedyul ng DOE, isasagawa ang pre-bid conference sa Nobyembre 13, habang Disyembre 11 ang deadline at pagbubukas ng mga bid. Itatakda naman sa Disyembre 28 ang deklarasyon sa highest-rated qualified bidder, at Enero 11, 2027 ang nakatakdang paglalabas ng notice of award.

Una nang kinuwestiyon ng Semirara Mining and Power Corporation ang panuntunang nag-aatas sa mga sasaling kumpanya na isuko sa pamahalaan ang kanilang mga asset. Kinuwestiyon din nito ang pagbabago sa pamantayan ng pagpili, kung saan highest bidder na sa halip na pinakamay kakayahang mining company ang pangunahing batayan sa paggawad ng kontrata.

Nagpahayag din ng pangamba ang Japanese Chamber of Commerce and Industry of the Philippines na maaaring maapektuhan ng naturang patakaran ang kalagayang pinansyal ng mga kasalukuyang mining operator.

-- ADVERTISEMENT --