
Nasa mahigit 159 milyong piso ang tinatayang halaga ng 30.15 kilo ng hinihinalang cocaine na isinuko ng apat na mangingisda sa mga awtoridad matapos matagpuan habang nangingisda sa karagatan ng Aparri, Cagayan.
Ayon kay Police Major Vilmore Malillin, Chief of Police ng Aparri Municipal Police Station, nasa 26 na brick-shaped packages na nakabalot sa itim na packaging tape ang laman ng isang black rectangular package na kanilang isinuko.
Natagpuan umano ito ng apat na mangingisda bandang alas-siyete ng umaga habang nasa layong 40 nautical miles mula sa Aparri, sa pagitan ng Fuga Island at Camiguin Island sa Calayan.
Agad na ipinaalam ng mga ito sa presidente ng Municipal Aquaculture Fisherfolk of Aparri ang kanilang nadiskubre na siyang tumawag naman sa pulisya.
Sa pagtaya ng pulisya, aabot sa mahigit 159 milyong piso ang standard drug price ng nasabing hinihinalang cocaine.
Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon at intelligence gathering ang pulisya, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA, upang matukoy ang pinagmulan ng mga kontrabando at kung may sindikatong nasa likod ng mga ito.
Sinusuri rin kung may kaugnayan ang mga ito sa mga naunang nakuhang hinihinalang cocaine sa karagatan ng Fuga at Camiguin noong 2022.
Samantala, tiniyak ni Malillin na magpapatuloy ang sea patrol at koordinasyon ng pulisya sa Maritime Group, Philippine Coast Guard at PDEA upang maiwasan ang pagpasok at paglabas ng mga ilegal na droga sa karagatan ng Cagayan.
Pinasalamatan din nito ang apat na mangingisda sa agarang pagsuko ng kanilang natagpuang kontrabando at hinimok ang publiko na agad ireport sa pulisya ang anumang kahina-hinalang bagay na kanilang matutuklasan.









