
Nagkaroon ng mainitang palitan ng argumento sa pagitan ni Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela at isang Chinese academic hinggil sa pag-aari at hurisdiksiyon sa Ayungin Shoal o Second Thomas Shoal.
Sa isinagawang Manila Dialogue on the South China Sea, iginiit ni Dr. Zheng Zhihua ng Shanghai Jiao Tong University na ilegal umanong sinasakop ng Pilipinas ang naturang bahura sa loob ng halos tatlong dekada.
Sinabi rin ni Zheng na naging mapagpasensya umano ang China at gumamit lamang ng water cannon upang ipagtanggol ang teritoryo nito.
Agad namang kinuwestiyon ni Tarriela ang pahayag ng Chinese academic at iginiit na walang hurisdiksiyon ang China sa Ayungin Shoal.
Binigyang-diin ni Tarriela na nasa layong 125 nautical miles lamang ang bahura mula sa Palawan at saklaw ito ng exclusive economic zone o EEZ ng Pilipinas.
Nakasadsad sa Ayungin Shoal mula pa noong 1999 ang BRP Sierra Madre, isang barko ng Philippine Navy na nagsisilbing himpilan ng mga sundalong Pilipino.
Sa ilalim naman ng 2016 arbitral ruling, kinilala ang Ayungin Shoal bilang low-tide elevation na nasa loob ng 200-nautical-mile EEZ at continental shelf ng Pilipinas. Tinukoy rin sa desisyon na walang legal na batayan sa ilalim ng UNCLOS ang makasaysayang pag-aangkin ng China sa malaking bahagi ng South China Sea.










