
Pormal nang tinapos ni Pope Leo ang kaniyang 12-araw na pagbisita sa South America matapos pangunahan ang isang farewell Mass sa Peru, na naging huling bahagi ng kaniyang pagbisita sa tatlong bansa na dinaluhan ng tinatayang 13 milyong katao.
Sa huling misa na ginanap sa isang airbase sa Lima, Peru, tinatayang 1.5 milyong katao ang dumalo upang salubungin ang Santo Papa.
Sa kaniyang mensahe, sinabi ni Pope Leo na dadalhin niya pabalik sa Rome ang mga alaala at siglang nagmula sa kaniyang pagbisita, at itinuring din niyang sariling bayan ang Peru dahil sa halos 20 taon niyang paglilingkod doon bilang misyonero.
Bago nagtungo sa Peru, bumisita rin ang Santo Papa sa Uruguay at Argentina kung saan nagbigay siya ng mga mensaheng nananawagan ng pagtatanggol sa demokrasya, kapayapaan at karapatan ng mahihirap.
Sa Argentina, hinimok niya si Pangulong Javier Milei na huwag pabayaan ang pinakamahihirap sa gitna ng mga hakbangin ng pamahalaan sa pagtitipid. Nanawagan din siya kay Peruvian President Keiko Fujimori na palakasin ang tiwala ng mamamayan matapos ang kaniyang makitid na panalo sa halalan.
Binigyang-diin din ni Pope Leo ang pangangalaga sa Amazon rainforest at hinimok ang mga Katoliko na labanan ang pagkalbo ng kagubatan at polusyon.
Nakipagpulong din siya sa mga nakaligtas sa pang-aabusong seksuwal na kinasangkutan ng mga miyembro ng kaparian sa Argentina at Peru.
Samantala, naging emosyonal ang kaniyang pagbabalik sa Chiclayo, Peru, kung saan nagsilbi siya bilang obispo mula 2015 hanggang 2023.
Itinuturing itong mahalagang pagbabalik ng Santo Papa sa lugar na naging bahagi ng kaniyang mahabang paglilingkod sa Simbahang Katolika.










