
Pinalawak ng Department of Science and Technology (DOST) ang kakayahan ng bansa sa weather forecasting sa pamamagitan ng artificial intelligence (AI), na nagbibigay ng mas detalyado at mas lokal na pagtataya ng panahon hanggang 14 na araw bago ito mangyari.
Isinama sa forecasting system ng Weather Bureau ang teknolohiyang binuo ng US-based weather company na Atmo upang makapagbigay ng mas tiyak na impormasyon tungkol sa lagay ng panahon sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Ayon kay DOST Secretary Renato Solidum Jr., makatutulong ang teknolohiya sa publiko, lalo na sa mga nagtatrabaho sa labas at mga sektor ng agrikultura, aviation at shipping na lubos na nakadepende sa kondisyon ng panahon.
Ipinaliwanag naman ni Atmo Chief Executive Officer Alexander Levy na hanggang 100 beses na mas detalyado ang geographical coverage ng bagong sistema kumpara sa karaniwang long-range forecasts.
Nagbibigay rin ito ng pagtataya kada 15 minuto, sa halip na kada tatlong oras, at kayang hulaan ang posibleng lagay ng panahon hanggang 14 na araw.
Kabilang sa mga impormasyong makikita sa platform ang posibilidad ng pag-ulan, dami ng naipong ulan, lakas ng hangin, temperatura, heat index, atmospheric pressure at relative humidity.
Libre nang magagamit ng publiko ang upgraded forecasting platform sa pamamagitan ng website na panahon.gov.ph at mobile application.
Ayon sa DOST, inaasahang makatutulong ito sa mga lokal na pamahalaan at komunidad na magkaroon ng mas mahabang panahon upang magplano at maghanda laban sa posibleng sama ng panahon at iba pang panganib.










