
Kinompronta umano ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang noo’y House Speaker Martin Romualdez matapos malaman na posibleng mawalan ng trabaho ang nasa 7,000 arawang manggagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa mga congressional budget insertion noong 2024.
Ito ang isiniwalat ni dating DPWH Secretary Manuel Bonoan sa kanyang judicial affidavit na may kaugnayan sa mga imbestigasyon sa umano’y iregularidad sa mga proyekto at pondo ng ahensya.
Ayon kay Bonoan, naubusan umano ng pondo ang DPWH matapos kunin ng mga mambabatas ang nakalaang Maintenance and Other Operating Expenses o MOOE upang pondohan ang mahigit 9,000 congressional insertions na nagkakahalaga ng P380.48 bilyon.
Nabawasan din umano ang mahigit P70.7 bilyong nakalaan para sa mga infrastructure at foreign-assisted projects, kabilang ang Metro Manila Subway at North-South Commuter Railway projects.
Ikinuwento ni Bonoan na agad na tinawagan ng pangulo si Romualdez matapos niyang ipabatid ang posibleng pagtanggal sa 7,000 manggagawa. Ayon sa dating kalihim, nagpahayag ng pagtutol si Marcos at sinabing hindi dapat mangyari ang naturang tanggalan.
Gayunman, sinabi ni Bonoan na pinagsabihan pa umano siya ni Romualdez dahil sa direktang pagsumbong sa pangulo sa halip na sa dating House Speaker muna lumapit.
Dagdag pa niya, nagpatuloy ang mga congressional insertion sa 2025 national budget na umabot umano sa P436 bilyon, dahilan upang magalit ang pangulo at isaalang-alang ang pag-veto sa buong panukalang budget.
Sa huli, inatasan umano ni Marcos si Bonoan na tukuyin ang mga proyektong maaaring i-veto. Kabilang dito ang tinatayang P26 bilyong halaga ng mga proyektong inilarawan ni Bonoan bilang mga “guni-guni” o hindi malinaw ang layunin, gaya ng mga kalsadang patungo sa mga resort ng ilang mambabatas.










