
Iginiit ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na walang sapat na batayan ang mga alegasyon ng crimes against humanity na isinampa laban sa kanya sa International Criminal Court (ICC).
Ito ang nakasaad sa 77-pahinang pre-trial brief na inihain ng defense team ni Duterte noong Nobyembre 20 at inilabas nitong Nobyembre 25, ilang araw bago ang nakatakdang pagsisimula ng paglilitis sa kanya.
Ayon sa defense team, hindi sapat ang mga ebidensyang iniharap ng Office of the Prosecutor upang maiugnay si Duterte sa mga umano’y pagpatay sa ilalim ng kaniyang kampanya kontra ilegal na droga.
Giit ni lead defense counsel Peter Haynes, hindi nangangahulugang may criminal intent o direktang kaugnayan sa mga krimen ang mga naging pahayag ni Duterte, kabilang ang paggamit niya ng terminong “neutralisation.”
Hindi rin naman itinatanggi ng depensa ang pagkakaroon ng mga ilegal na pagpatay na kinasangkutan ng ilang pulis noong panahon ng drug war, ngunit iginiit nilang hindi ito maituturing na crimes against humanity.
Ayon pa sa kampo, may umiiral na sistemang pangkatarungan sa Pilipinas na kayang humawak at mag-usig sa mga kasong may kaugnayan sa mga pagpatay.
Nakatakdang simulan sa Nobyembre 30 ang paglilitis kay Duterte sa ICC, kung saan unang ilalahad ng prosekusyon ang kanilang mga testigo at ebidensya.










