Pinag-aaralan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagtatayo ng ikalawang tulay sa tabi ng kasalukuyang Buntun Bridge upang maibsan ang pagsisikip ng trapiko at mapabilis ang biyahe sa pagitan ng Tuguegarao City at mga karatig-bayan.

Inilatag ng DPWH kay Tuguegarao City Mayor Maila Ting-Que nitong Miyerkules, Nobyembre 25, ang panukalang Parallel Buntun Bridge na itatayo sa timog na bahagi ng kasalukuyang tulay.

Batay sa paunang plano, isa itong two-lane cable-stayed bridge na may habang 1,102.65 metro, kabilang ang mga approach nito. Gayunman, humigit-kumulang 700 metro ang nabanggit sa pinakahuling presentasyon. Pag-aaralan pa sa feasibility study ang pinal na sukat at disenyo.

Inaasahang magsisilbing alternatibong ruta ang bagong tulay upang mabawasan ang dami ng sasakyang dumaraan sa kasalukuyang Buntun Bridge, lalo na tuwing rush hour at may mga aksidente o malalaking pagtitipon.

Bukod sa pagpapaluwag ng trapiko, inaasahan ding mapabibilis nito ang transportasyon ng mga produktong agrikultural at iba pang kalakal, gayundin ang biyahe ng mga estudyante at manggagawa.

-- ADVERTISEMENT --

Sinuportahan ng Asian Development Bank (ADB) ang feasibility study sa ilalim ng programa ng pamahalaan para sa mga prayoridad na tulay. Gayunman, wala pang pinal na halaga at kumpirmadong pondo para sa konstruksyon.

Nakatakda ring makipagpulong ang DPWH sa mga stakeholder ngayong Nobyembre 26 upang ilahad ang panukala at pakinggan ang mga saloobin ng mga opisyal at residente ng Enrile, partikular ang mga posibleng maapektuhan ng proyekto.

Malugod namang tinanggap ng pamahalaang lungsod ang panukala, ngunit iginiit na kailangang dumaan ito sa tamang proseso at tiyaking mapoprotektahan ang kapakanan ng mga residenteng maaapektuhan.