Iniulat ng military intelligence agency ng Ukraine na pansamantalang sinuspinde ng North Korea ang ilang bahagi ng pakikipagtulungang militar nito sa Russia, kabilang ang pagpapadala ng KN-23 ballistic missiles at artillery shells.

Ayon sa Ukrainian military intelligence agency o GUR, inanunsyo umano ni North Korean Foreign Minister Choe Son Hui ang naturang hakbang noong nakaraang buwan kasunod ng tensiyong diplomatiko sa pagitan ng Pyongyang at Moscow.

Nangyari ito matapos sabihin umano ni Russian Deputy Foreign Minister Andrey Rudenko na handang tumulong ang Moscow na mapahupa ang tensiyon sa pagitan ng North Korea at South Korea.

Bukod sa paghinto ng ilang suplay ng armas, sinabi rin ng GUR na hindi pa pinagbibigyan ng Pyongyang ang kahilingan ng Russia na dagdagan ang bilang ng mga sundalong North Korean na nakatalaga sa bansa mula 8,500 tungo sa 50,000.

Gayunman, patuloy umanong naglilingkod ang ilang yunit ng hukbong North Korean sa Kursk region ng Russia, habang may missile unit din silang nakatalaga sa Voronezh region.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi pa independiyenteng nakukumpirma ang ulat ng Ukrainian intelligence agency, at hindi rin agad nakapagbigay ng komento ang mga kinauukulang tanggapan ng Russia at North Korea.