Muling dumating ngayong araw (Nob. 27, 2026) sa Department of Justice si Senador Robinhood ‘Robin’ Padilla upang dumalo sa pagdinig ng prosekusyon sa kinakaharap niyang reklamo. 

Personal na nagtungo sa kagawaran ang mambabatas kasama ang kanyang abogado na si Atty. Julius Henry Balteza ilang minuto bago mag-alas dos ng hapon. 

Ayon sa kanyang abogado, nagsumite ang senador ng ‘rejoinder affidavit’ bilang tugon sa ‘reply’ ng ‘complainants’ patungkol sa makaraan nitong ‘counter-affidavit’. 

Dito aniya sinagot ng senador ang mga bagong argumento o alegasyon ng mga naghain ng reklamo kasabay ng paninindigan na inosente ang mambabatas. 

Ibinahagi naman ni Senador Robin Padilla na ang kanyang pagpunta sa DOJ ay para personal panumpaan sa harap ng prosekusyon ang salaysay na isinumite sa tanggapan. 

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa senador, ang pagtungo sa tanggapan ng personal ay bilang pagpapakita na rin umano ng paggalang sa batas. 

Normal naman daw umuusad ang proseso ng Department of Justice patungkol sa kanyang reklamong kinakaharap. 

Si Sen. Robin Padilla ay nahaharap ngayon sa reklamong ‘obstruction of justice’ kaugnay sa umano’y pag-asiste kay Sen. Bato Dela Rosa para makalabas ng senado. 

Pinararatangan siyang tumulong sa puganteng mambabatas upang matakasan ang pagsisilbi ng ‘arrest warrant’ na inisyu ng International Criminal Court. 

Ngunit hindi ito kinilala ng mambabatas at iginiit na wala namang kautusan o ‘arrest warrant’ na nanggaling mismo sa isang lokal na korte.