
Inusisa ni Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr. ang kinaroroonan at ginagawa ni Vice President Sara Duterte habang nakararanas ng matinding pagbaha ang ilang bahagi ng bansa at nagpapatuloy ang impeachment trial.
Ayon kay Abante, dismayado siya dahil may mga video umanong kumakalat sa social media na nagpapakitang nagsasayaw si Duterte habang may kalamidad. Binanggit din niya ang mga pagpunta umano ng Bise Presidente sa ibang bansa.
Giit ni Abante, dapat humarap si Duterte sa Impeachment Court upang harapin ang mga alegasyon laban sa kanya at matapos na ang impeachment proceedings, upang hindi na umano masayang ang oras at buwis ng taumbayan.
Inihayag ito ni Abante matapos ang ika-16 na araw ng impeachment trial kung saan humarap bilang hostile witness ng prosecution si dating OVP Special Disbursing Officer Gina Acosta.










