
Sa kabila ng mabigat na pagsasanay bilang atleta, ipinagpapatuloy ni Filipino wushu star Agatha Wong ang kanyang pag-aaral sa medisina.
Matapos ang kanyang kampanya sa 2026 Asian Games sa Nagoya, Japan, sinabi ni Wong na hindi niya pinakinggan ang mga nagsabing kailangan niyang pumili lamang sa pagitan ng sports at edukasyon.
Aniya, posible umanong pagsabayin ang dalawang pangarap basta’t determinado ang isang tao.
Sa kompetisyon, nagtapos si Wong sa ika-pitong puwesto sa taijiquan matapos makakuha ng 9.703 puntos, habang ika-11 naman siya sa taijijian na may 9.156 puntos.
Dahil dito, hindi siya nakakuha ng medalya sa dalawang event.
Gayunman, sinabi ng six-time Southeast Asian Games gold medalist na tinatanggap niya ang resulta dahil ginawa niya ang kanyang makakaya.
Agad namang babalik si Wong sa pag-aaral matapos ang Asian Games, dahil ilang buwan siyang nawala sa medical school.
Sa kabila nito, hindi pa rin niya planong talikuran ang wushu at nais pa rin niyang sumabak sa mga susunod na kompetisyon.
Para kay Wong, mahirap pagsabayin ang pagiging atleta at medical student, pero nananatili siyang determinado na ituloy ang dalawang landas.










