Inihayag ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Linggo, Enero 26, na ang northeast monsoon ang kasalukuyang nakaaapekto sa Luzon habang easterlies naman sa mga natitirang bahagi ng bansa.

Base sa tala ng PAGASA kaninang 4:00 ng madaling araw, inaasahang magdadala ang easterlies—na tumutukoy sa mainit na hanging nagmumula sa karagatang Pasipiko—ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Caraga, Zamboanga Peninsula, BARMM, Southern Leyte, at Eastern Samar. Maaari magkaroon dito ng mga pagbaha o kaya nama’y pagguho ng lupa tuwing magkakaroon ng malalakas na pag-ulan.

Inaasahan namang magdadala ang malamig na hanging amihan ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang katamtamang pag-ulan sa Batanes, at ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated light rains sa Metro Manila at mga natitirang bahagi ng Luzon. Wala namang inaasahang malaking epekto ang mga magiging pag-ulan dito.

Samantala, malaki ang tsansang makararanas ng medyo maulap hanggang sa maulap na kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms sa mga natitirang bahagi ng bansa dahil pa rin sa easterlies. Posible ang pagbaha o pagguho ng lupa rito tuwing magkakaroon ng malalakas na thunderstorms.

Sa kasalukuyan ay wala namang binabantayan ang PAGASA na anumang low pressure area (LPA) o iba pang bagyo sa loob o labas ng Philippine area of responsibility (PAR).

-- ADVERTISEMENT --