Maaaring agad mag-convene ang Senado bilang impeachment court pagsapit ng Miyerkules kung makukuha ng Kamara ang kinakailangang 106 na boto para maaprubahan ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte at maipadala ito sa Senado bukas.

Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, nakahanda si Senate President Vicente Sotto III na agad simulan ang proseso oras matanggap ng Senado ang impeachment complaint.

Sinabi ni Gatchalian na bagama’t may kapangyarihan ang Senado na tukuyin ang timeline ng “forthwith” batay sa desisyon ng Korte Suprema, nais umano ni Sotto na agarang ma-convene ang impeachment court.

Inihayag din ng senador na nagsimula na siyang maghanda para sa posibleng paglilitis matapos makipagpulong sa kanyang external counsels at basahin ang mahigit 200-pahinang committee report kaugnay ng apat na Articles of Impeachment laban kay Duterte.

Gayunman, inaasahan ni Gatchalian na magkakaroon ng mga pre-trial motions na maaaring magpatagal sa proseso, tulad ng nangyari noong 19th Congress nang maghain ng mosyon si Senador Ronald dela Rosa para ibasura ang impeachment complaint bago pa man mabuo ang impeachment court.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ni Senador Erwin Tulfo na may mga legal na usapin pang kailangang linawin sa Senate rules, kabilang ang posibleng mangyari kung magbitiw sa puwesto si Duterte habang nagpapatuloy ang paglilitis.

Aniya, hindi pa malinaw kung mananatili ang parusang perpetual disqualification sa pagtakbo sa anumang posisyon sa gobyerno sakaling mag-resign ang isang opisyal habang nasa gitna ng impeachment trial.

Kung matutuloy ang paglilitis, plano umano ng Senado na magsagawa ng impeachment hearings tuwing Lunes, Miyerkules at Biyernes mula alas-3 ng hapon hanggang alas-11 ng gabi, habang nakalaan naman ang Martes at Huwebes para sa regular sessions at committee hearings.