
Humarap sa paglilitis ang anak na lalaki ng crown princess ng Norway na inakusahan ng panghahalay sa apat na babae at sinaktan ang maraming dating kasintahan sa isang eskandalo na nagdulot ng dungis sa imahe ng royal family.
Nahaharap si Marius Borg Hoiby, 29 anyos, anak ni Crown Princess Mette-Marit sa kanyang relasyon bago ang kasal kay Crown Prince Haakon, ay nahaharap sa 38 kaso, ang ilan ay nangyari noong 2018.
Muli siyang inaresto noong Linggo ng gabi sa umano’y pag-atake, nagbabanta gamit ang patalim at paglabag sa restraining order.
Una siyang inilagay sa kustodiya noong Lunes matapos siyang balaan na muling magsasagawa ng kalokohan.
Si Hoiby na posibleng mahaharap sa 16 na taong pagkakakulong kung mapapatunayang guilty, ay umamin sa ilang minor offences subalit itinatanggi ang mabibigat na akusasyon laban sa kanya.
Ang paglilitis kay Hoiby sa Oslo na nagsimula kaninang umaga, ay nakatakdang magtatapos hanggang March 19, 2026.
Inaresto si Hoiby noong August 4, 2024 dahil sa pag-atake sa kanyang kasintahan.
Kalaunan ay inamin niya na nasa impluwensiya ng alak at cocaine.
Habang isinasagawa ang imbestigasyon sa insidente, natuklasan ang iba pang pinaghihinalaang offences, kabilang ang panghahalay sa apat na babae habang sila ay natutulog o walang malay dahil sa kalasingan, kung saan kinuhanan pa niya ang mga ito ng video.
Nangyari umano ang mga panghahalay noong 2018, 2023 at 2024, ang huli ay pagkatapos na simulan ng pulisya ang mga imbestigasyon.
Ang nasabing eskandalo ay kabilang sa pinakamalala sa kasaysayan ng Norwegian monarchy, subalit nananatili ang kanilang kasikatan dahil kay King Harald and Queen Sonja, kapwa 88 anyos, na respetado bilang unifying figures.










