Nailigtas ng Philippine Coast Guard (PCG) ang anim na pasahero matapos tumaob ang sinasakyang motor banca sa karagatang sakop ng Barangay Pura, Datu Blah Sinsuat noong Hulyo 29.

Ayon sa PCG, agad silang nagsagawa ng search and rescue operation matapos makatanggap ng ulat mula sa isang concerned citizen.

Batay sa paunang imbestigasyon, bumiyahe ang motor banca mula Barangay Pura patungong Barangay Nalkan nang masira ang kaliwang katig nito dahil sa malalakas na alon, na naging dahilan ng pagtaob ng bangka.

Dinala ang mga nailigtas na pasahero sa Rural Health Unit para sa medical assessment. Kalaunan ay pinalabas din sila ng pagamutan matapos matiyak na nasa maayos at ligtas na kondisyon.

Samantala, pinuri ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil L. Gavan ang mga Coast Guard personnel na rumesponde sa insidente dahil sa kanilang mabilis at maayos na pagsasagawa ng rescue operation. Aniya, ipinapakita ng matagumpay na pagliligtas ang patuloy na pagtupad ng PCG sa mandato nitong pangalagaan ang buhay ng mga naglalayag sa karagatan.

-- ADVERTISEMENT --