
Patay ang apat katao matapos salpukin ng isang kotseng nawalan umano ng preno sa Angono, Rizal.
Inaresto ang 66-taong gulang na driver na haharap sa reklamong reckless imprudence resulting in multiple homicide and serious physical injuries.
Nangyari ang insidente kahapon ng hapon nang binabaybay ng mga sasakyan ang kahabaan ng Manila East Road sa Barangay San Isidro sa Angono nang biglang, dumating ang isang pulang kotse.
Nabangga nito ang isang motorsiklo na nagresulta sa pagtilapon ng rider at kanyang angkas, habang dumiretso naman ang kotse sa isang bakery.
Sa isa pang kuha ng CCTV, nakitang umiwas ang isang paparating na jeep at napatigil din ang mga kasunod na motorsiklo.
Naipit sa bumper ng kotse ang tatlong nadamay na tao.
Dalawang iba pa ang tumilapon naman sa bakery kung saan napunta ang nabanggang motorsiklo.
Ayon sa Angono police, sinabi ng driver ng kotse na nawalan umano siya ng preno.
Dead on the spot ang 69-anyos na babae walang tirahan na nakatambay umano sa lugar nang mangyari ang aksidente.
Sinabi pa ng pulisya na dinala ang apat na iba pa sa ospital.
Namatay rin kalaunan ang 15-anyos na binatilyo.
Sinubukan namang i-revive ang 26-anyos na babaeng rider pero binawian din siya ng buhay habang nasawi rin kaninang madaling araw ang 23-anyos niyang kasintahan na kanyang angkas.
Nakaligtas naman ang 13-anyos na binatilyo na nagtamo ng ilang bungi sa ngipin at mga galos.










