Ligtas na lumapag sa Karagatang Pasipiko matapos ang halos 10 araw sa kalawakan ang kapsula ng Artemis II kasama ang apat na crew matapos ang mabilis na pagtagos nito sa atmosphere.

Ito pagtatapos ng kauna-unahang paglalakbay ng mga tao patungo sa paligid ng buwan sa loob ng mahigit kalahating siglo.

Ang kapsulang Orion ng NASA, na hugis patak at pinangalanang Integrity, ay dahan-dahang bumaba gamit ang parachute sa dagat sa baybayin ng Southern California ilang sandali matapos ang alas-5 ng hapon (PT).

Tinapos nito ang isang misyon na nagdala sa mga astronaut nang mas malayo sa kalawakan kaysa sa sinumang nauna sa kanila.

Ang paglipad ng Artemis II, na naglakbay ng kabuuang 694,392 milya (1,117,515 kilometro) sa dalawang pag-ikot sa Earth at isang mahalagang pagdaan malapit sa buwan na humigit-kumulang 252,000 milya ang layo, ang kauna-unahang crewed test flight sa serye ng mga misyon ng Artemis na naglalayong muling maglapag ng mga astronaut sa buwan simula 2028.

-- ADVERTISEMENT --

Ang apat na astronaut ay lumipad mula sa Cape Canaveral, Florida noong Abril 1, sakay ng napakalaking Space Launch System rocket ng NASA.

Una silang inilagay sa orbit ng Earth bago tumuloy sa bihirang paglalakbay sa malayong bahagi ng buwan.

Sila ang kauna-unahang mga astronaut na muling nakalapit sa buwan mula noong panahon ng Apollo noong dekada 1960 at 1970.

Sina Victor Glover, Koch, at Hansen ay nakagawa rin ng kasaysayan bilang unang Black astronaut, unang babae, at unang hindi mamamayan ng U.S., ayon sa pagkakasunod, na lumahok sa isang misyon patungo sa buwan.

Sa pinakamataas na punto ng kanilang paglalakbay, umabot sila sa layong 252,756 milya mula sa Earth, na lumampas sa dating rekord na humigit-kumulang 248,000 milya na naitala ng Apollo 13 noong 1970.

Ang misyon na ito—na sumunod sa walang sakay na Artemis I noong 2022—ay nagsilbing mahalagang ensayo para sa planong muling paglapag ng tao sa buwan sa huling bahagi ng dekadang ito, ang una mula noong Apollo 17 noong 1972.

Ang pangmatagalang layunin ng programang Artemis ay magtatag ng pangmatagalang presensya sa buwan bilang hakbang patungo sa hinaharap na paglalakbay ng tao patungong Mars.

Katulad ng panahon ng Cold War at ng programang Apollo, naganap ang Artemis II sa gitna ng mga isyung pampulitika at panlipunan, kabilang ang isang digmaang kinasasangkutan ng U.S. na hindi naging popular sa loob ng bansa.

Ngunit hindi tulad noon na ang U.S. ay nakikipag-unahan sa Soviet Union, ngayon ay layunin ng Artemis program na maungusan ang China.

Para sa maraming tao sa buong mundo, muling pinatunayan ng misyon ang tagumpay ng agham at teknolohiya sa panahong ang malalaking kompanya ng teknolohiya ay madalas pagdudahan o katakutan.

Ipinakita rin ng mga survey na malawak ang suporta ng publiko sa layunin ng misyon.

Ang pagbabalik sa Earth ay nagsilbing mahalagang pagsubok sa heat shield ng Orion spacecraft, na nakaranas ng mas matinding init kaysa inaasahan noong 2022 test flight.

Dahil dito, binago ng mga inhinyero ng NASA ang trajectory ng pagbaba ng Artemis II upang mabawasan ang init at maiwasan ang panganib na masunog ang kapsula.

Ang matagumpay na paglulunsad noong nakaraang linggo ay isang malaking hakbang para sa Space Launch System rocket, at nagpapatunay sa kakayahan ng mga pangunahing kontraktor nito—Boeing at Northrop Grumman—na ligtas na makapagdala ng tao sa kalawakan matapos ang mahigit isang dekadang pag-develop.