
Nangako ang organizers ng 2026 Asian Games sa Aichi-Nagoya, Japan na tutugunan ang mga reklamo ng mga atleta at opisyal tungkol sa kanilang accommodation.
Kasunod ito ng pagdating sa Nagoya nitong Martes ng Italian cruise ship na Costa Serena, na magsisilbing “ship hotel” para sa nasa 4,000 atleta at officials.
Dahil walang itinayong dedicated Athletes’ Village, iba’t ibang accommodation ang inilaan para sa tinatayang 17,000 atleta at opisyal, kabilang ang mga hotel, Airbnb at container-style cabins sa dock area.
Kabilang sa mga nagreklamo ang ilang South Korean basketball players dahil sa maliit umano ang mga kama sa container-style accommodation, na tahanan ng nasa 2,000 bisita.
Ayon sa accommodation manager na si Yuta Matsuo, batid nila ang mga reklamo at nagsasagawa na ng mga hakbang upang mapabuti ang kondisyon ng mga atleta. Magkakaroon din ng 24-hour resident center para tugunan ang kanilang mga concern.
Samantala, magsisimula opisyal ang Asian Games sa Sabado, Setyembre 19, at magtatapos sa Oktubre 4. Nauna nang nagsimula ang ilang kompetisyon gaya ng basketball at football.





