Nagbitiw na bilang head coach ng men’s basketball team ng Ateneo de Manila University si Tab Baldwin, kasunod ng pagkamatay ng mga student-athlete na sina Rene Baterbonia at Divine Adili sa isang team-building activity sa Aurora.

Kinumpirma ni Ateneo President Fr. Roberto “Bobby” Yap, SJ na tinanggap ng pamantasan ang pagbibitiw ni Baldwin na epektibo agad.

Ayon kay Yap, hindi poprotektahan ng unibersidad ang sinuman habang nagpapatuloy ang masusing imbestigasyon sa insidente.

Nagpasalamat din ang Ateneo kay Baldwin sa kanyang serbisyo sa Blue Eagles sa loob ng halos isang dekada, kabilang ang pag-akay sa koponan sa apat na kampeonato sa UAAP.

Kasabay nito, tinanggap din ng unibersidad ang pagbibitiw ni team manager na si Epok Quimpo.

-- ADVERTISEMENT --

Matatandaang pansamantalang pinagleave noon sina Baldwin at Quimpo upang mapanatili ang integridad ng isinasagawang imbestigasyon kaugnay ng trahedyang ikinasawi nina Baterbonia at Adili noong nakaraang linggo.

Patuloy namang hinihintay ng publiko at mga pamilya ng mga nasawing manlalaro ang resulta ng imbestigasyon upang mabigyang-linaw ang mga pangyayari sa insidente.