Iginiit ng Ateneo de Manila University na wala sa Dipaculao, Aurora sina University Athletics Office (UAO) head Em Fernandez at staff member Vince Mangulabnan nang maganap ang team-building activity na ikinasawi ng student-athletes na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.

Sa pahayag ng unibersidad, sinabi nitong hindi ang UAO ang nagplano, nag-organisa, o nagsagawa ng aktibidad.

Anila, ang pag-aayos lamang ng transportasyon ng koponan ay hindi nangangahulugang sila ang nangasiwa sa naturang team-building.

Matatandaang nagsumite ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng supplemental referral na nagrerekomendang sampahan ng kasong homicide at reckless imprudence si dating Blue Eagles head coach Tab Baldwin at walong iba pa kaugnay ng insidente.

Samantala, nagpahayag ang Ateneo ng kumpiyansa na lilinawin ng legal na proseso ang pananagutan ng bawat sangkot.

-- ADVERTISEMENT --