Pumanaw na ang 15-anyos na biktima na binaril ng kanyang dating boyfriend sa loob ng Sta. Rosa Integrated School sa Nueva Ecija.
Kinumpirma ni Nueva Ecija Police director Police Colonel Heryl Bruno na namatay ang biktima kagabi.
Unang namatay ang 18-anyos na suspek matapos ang mahigit 24 oras nang mangyari ang pamamaril.
Matatandaan na noong August 7, sinabi ng Santa Rosa police na pumasok ang suspek ng 10 ng umaga at tinangka na palabasin ang biktima sa kanyang silid-aralan.
Nang tumanggi ang babae, pumasok ang suspek sa classroom at binaril ang biktima at nagbaril din siya ng sarili.
Nakuha ng mga awtoridad sa crime scene ang .22- caliber snub-nose revolver.
Dahil sa insidente, pansamantalang isinara ang nasabing eskwelahan.
Isinasailalim din sa counseling ang mga estudyante na nakasaksi sa nasabing pamamaril.
Nakipag-ugnayan na rin ang pulisya sa Department of Education para sa stress debriefing sa mga estudyante at mga guro sa nasabing paaralan.