TUGUEGARAO CITY-Tadtad ng saksak sa katawan at wala ng buhay ang isang babae nang madatnan ng kanyang kapatid sakanilang bahay sa bayan ng Flora, Apayao kasabay ng pagdiriwang ng Pasko.

Ayon kay Plt/col. Roderick Condag ng Apayao-PNP, umaga ng disyembre 25 nang magtungo ang biktima na si Elizabeth Dela Cruz, 48-anyos residente ng brgy Tamalunog, Flora sa bahay ng kanyang kapatid na si Walter sa Poblacion East.

Nakiusap umano si Walter sakanyang kapatid na magbantay sakanyang bahay dahil may pupuntahan lamang ito.

Nagulat na lamang si Walter nang makitang patay na ang kanyang kapatid na tadtad ng saksak sa katawan.

Sinabi ni Condag na batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon, posibleng pagnanakaw ang motibo ng mga hindi pa nakikilalang suspek dahil nawawala ang cellphone ng biktima at perang nagkakahalaga ng P10,000.

-- ADVERTISEMENT --

Bukod dito, sinabi ni Condag na tinitignan ding motibo ang kasong estafa na kinahaharap ng kapatid ng biktima dahil posibleng paghihiganti ang ginawa ng suspek sa biktima.