Hinuli ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang “vlogger” dahil sa pagmamanipula sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kung saan ipinakita niya na tila isinusulong ng pangulo ang legalisasyon ng droga.
Sinabi ni NBI chief Jaime Santiago na ang binagong post ay ibinahagi sa Facebook.
Nang tanungin ng NBI, inamin umano ng vlogger na kumikita siya ng pera sa pagpapakalat ng fake news, subalit maliit lamang ito.
Umiiyak din siyang humingi ng paumanhin kay Pangulong Marcos.
Nanawagan si Santiago sa publiko na magsagawa ng fact-check information sa social media at nagbabala na ang pagpapakalat ng walang katotohanang mga impormasyon ay may kaakibat na krimen.
Binigyang-diin ni Santiago na hindi ito biro at isang katuwaan, at iginiit ang kahalagahan ng responsableng online behavior.
Nahaharap ang suspek sa kaso sa ilalim ng Article 152 of the Revised Penal Code, may kaugnayan sa Cybercrime Prevention Act of 2012.
Kung mapapatunayan, posibleng maharap siya sa pagkakakulong na anim na buwan hanggang anim na taon at multa na hanggang P200,000.