May alok na P200,000 na pabuya sa sinomang makakapagbigay ng impormasyon o makakapagturo sa pumatay sa bagong kasal sa Barangay Gabriella Silang, Diffun, Quirino.

Kinilala ng PNP Diffun ang mag-asawa na sina Joel Tayaban, 45-anyos at Brenda, 41-anyos, kapwa magsasaka.

Ayon sa pulisya, naganap ang pamamaril noong July 3, 2025 ng hapon sa loob mismo ng tinutuluyan nilang bahay na pagmamay-ari ng kanilang amo.

Nakuha naman sa pinangyarihan ng krimen ang apat na basyo ng bala ng 9mm.

Ayon kay PMaj. Jayford Bullong, hepe ng PNP Diffun, magbibigay ang LGU Diffun ng P100,000 habang sa kanilang hanay naman ang karagdagang P100,00 para sa pabuya.

-- ADVERTISEMENT --

Lumalabas sa kanilang imbestigasyon na pagnanakaw ang motibo sa krimen matapos mabatid na nawawala ang perang naipon mula sa kanilang kasal na aabot sa halagang P147,000.00, dalawang cellphone at ang bag ng babaeng biktima.