Tinupok ng apoy ang bahay ni Miami Heat coach Erik Spoelstra kaninang madaling araw sa Coral Gables, Florida.

Ayon sa Miami Heat, walang tao sa bahay ni Spoelstra nang mangyari ang sunog, at wala ring naiulat na nasugatan sa insidente.

Iniimbestigahan na ng mga awtoridad kung ano ang sanhi ng sunog, kung saan posibleng aabutin ito ng ilang linggo.

Sakay ng eroplano si Spoelstra nang masunog ang kanyang bahay, at pauwi na kasama ang kanyang koponan mula sa laro sa Denver Nuggets noong gabi ng Miyerkules

Itinawag sa mga awtoridad ang sunog ng 4:36 a.m., at lumapag ang sinakyang eroplano ng Miami Heat makalipas ang 35 minuto.

-- ADVERTISEMENT --

Pagdating ni Spoelstra sa lugar, malakas pa ang apoy at nanlumo sa nangyari sa kanyang bahay.

Batay sa records, nabili ni Spoelstra ang bahay na may limang kuwarto noong 2023.

Pinaganda niya ang nasabing ari-arian matapos niya itong mabili.

Nito lamang nakalipas na buwan, pumirma siya sa kasunduan para magsilbing caoch ng U.S. Olympic men’s basketball team sa 2028 Los Angeles Games.