
Isinailalim na sa state of calamity ang buong lalawigan ng Bataan dahil sa malawakang pagbaha at pinsalang dulot ng mga pag-ulan mula sa mga bagyong Luis at Maymay, gayundin ng Habagat.
Inaprubahan ng Sangguniang Panlalawigan ang resolusyon nitong Huwebes, bunsod ng pangangailangang ipagpatuloy ang disaster response operations at paggamit ng mga available na resources ng pamahalaan.
Ayon sa provincial government, mahigit 8,000 residente ang napilitang lumikas dahil sa baha. Tinatayang nasa ₱56.53 milyon ang pinsala sa agrikultura, habang umabot naman sa ₱542.72 milyon ang pinsala sa imprastraktura.
Hindi bababa sa 20 katao ang nasugatan ngunit wala namang naitalang nasawi dahil sa kalamidad.
Bagama’t bahagyang humupa ang baha sa ilang bahagi ng Hermosa nang gumanda ang panahon nitong Huwebes, nananatiling mabigat ang epekto nito sa kabuhayan ng mga residente.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, mahigit 500,000 manggagawa sa Bataan ang hindi nakapasok sa trabaho dahil sa ilang linggong pag-ulan at pagbaha.
Bilang pangmatagalang solusyon, pinag-aaralan din ang panukalang 54-kilometrong coastal defense system na maaaring maglaman ng mga dike, pumping station, floodgate at water catchment o impounding facilities upang makatulong sa pagkontrol ng baha at pag-iimbak ng suplay ng tubig.










