
Iginiit ni House Public Accounts Committee Chair at Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na walang “evidentiary” o probative value ang mga kumakalat na dokumentong tinaguriang “Bersamin files” na nag-uugnay kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa umano’y iregularidad sa pondo.
Ayon sa kanya, hangga’t hindi kinukumpirma ni dating Undersecretary Adrian Bersamin ang pagiging tunay ng mga mensahe, mananatili itong “triple o double hearsay” na walang bigat sa korte, impeachment, o imbestigasyon ng Kongreso.
Ang pahayag ay tugon sa alegasyon ng umano’y palitan ng mensahe tungkol sa kickback sa flood control projects.
Hinamon ni Ridon si Bersamin na linawin ang isyu at iginiit na hindi dapat ituring na “actionable information” ang mga dokumento kung wala itong malinaw at beripikadong pinagmulan.
Nauna nang itinanggi ng Malacañang ang mga akusasyon dahil sa kakulangan ng matibay na ebidensya.







