Umabot na sa 279 ang bilang ng mga nasawi sa pagbagsak ng Air India Boeing 787-8 Dreamliner sa Ahmedabad, India—isa sa pinakamalalang air disasters ng makabagong panahon.

Ayon sa ulat ng mga otoridad, 242 katao ang sakay ng eroplano at tanging isa lamang ang nakaligtas.

Bukod pa rito, hindi bababa sa 38 katao ang nasawi sa lupa matapos tamaan ng bumagsak na eroplano ang mga gusaling tinitirhan.

Patuloy ang pagkolekta ng DNA samples mula sa mga kaanak ng biktima upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga labi.

Samantala, narekober na ang flight data recorder o black box, na sinasabing makatutulong nang malaki sa imbestigasyon, habang hinahanap pa rin ang pangalawa.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa aviation officials, sumabog ang eroplano at nag-apoy matapos itong bumagsak ilang sandali lang matapos mag-take off.

Ang trahedya ay itinuturing na kauna-unahang crash ng isang Boeing 787 Dreamliner, at kasalukuyang iniimbestigahan ang posibleng sanhi nito.