Patay ang dalawang katao habang sugatan naman ang tatlong iba pa matapos mahulog sa bangin ang sinasakyang jeep na kargado ng mga baboy sa bahagi ng Conner, Apayao.

Kinilala ng pulisya ang mga nasawing bumibili ng baboy na sina Alyas Mike at Alyas Noli habang sugatan naman ang driver at dalawang iba pang kasamahan nito na pawang residente sa Barangay Andarayan South, Solana, Cagayan.

Pauwi na sana galing ng Kabugao, Apayao ang jeep na may kargang 18 baboy at nang marating ang pababa at pakurbang bahagi ng lansangan sa Barangay Lenneng ay biglang nawalan ng preno ang naturang jeep.

Hindi na nagawang makontrol ng driver ang sasakyan na naging dahilan upang dumausdos pababa ng bangin.

Ayon sa ulat, dead on the spot ang mga biktima dahil sa tinamong matinding pinsala sa ulo habang patuloy namang inoobserbahan sa pagamutan ang mga nakaligtas sa aksidente.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid pa na ang naturang bahagi ng lansangan ay accident-prone area at hindi lang ito ang unang pagkakataon na may nangyaring katulad na aksidente sa naturang lugar