TUGUEGARAO CITY-Narekober na ang bangkay ng isang Board Member at ang pulis na body guard nito matapos matabunan sa nangyaring landslide dahil sa walang puknat na pag-ulan sa Kabugao, Apayao.
Ayon kay P/Lt. Ana Marie Lopez, Chief of Police ng PNP-Kabugao, Apayao, hindi agad nahanap ang bangkay nina Board Member Tolentino Mangalao at P/Cpl. Romel Gumidam dahil hanggang sa ngayon ay impassable ang mga kalsada papunta sa Brgy. Dibagat.
Aniya, isang araw na naglakad ang kanilang team bago narating ang ground zero dahil na rin sa naitalang landslide at kinailangan pang gumamit ng bangka para maibaba ang mga bangkay ng mga biktima.
Sa ngayon, sinabi ni Lopez na nasa isang punerarya sa lungsod ng Tuguegarao si Mangalao habang dinala naman sa Kabugao si Gumidam.
Matatandaan,gabi ng huwebes nang makitulog ang mga biktima sa bahay ng pamilya Pugyao sa Brgy. Dibagat nang magkaroon ng landslide at natabunan ang bahay na sanhi ng pagkasawi ng dalawang biktima.
Samantala, sinabi ni Lopez na kasalukuyan din na nagpapagaling sa Cagayan Valley Medical Center si George kasama ang kanyang asawa at isang anak matapos magtamo ng sugat dahil sa naitalang pagguho.
Nabatid na malapit sa bundok ang kinatitirikan ng kanilang bahay at nag-iisa lamang ito sa lugar.
Patuloy naman ang paghahanap sa isang Barangay Treasurer na si James Carag ng Barangay Caragauan na una ring natabunan dahil sa landslide.
Samantala, sinabi ni Lopez na hanggang sa ngayon ay hindi pa napapasok ng kanilang team ang barangay Cabetayan, Kabugao dahil sa mga naitalang pagguho ng lupa.
Maging ang tatlong Barangay na kinabibilangan ng Maragat ,Dagara Madduang ang isolated rin
Ayon kay Lopez, pahirapan din ang signal sa mga nasabing barangay kung kaya’t hirap ang kanilang hanay na makakuha ng impormasyon.
Sa kabila nito, sinabi ni Lopez na patuloy ang kanilang ginagawang monitoring sa mga nasasakupang lugar.