
Isa pang pinaniniwalaang iligal na warehouse ng mga sigarilyo ang nadiskubre ng mga awtoridad sa Pampanga, kasunod ng tip mula sa concerned citizen, ayon sa Philippine National Police.
Ang impormasyon mula sa isang informant ay kasunod ng pag-inspeksyon nina Interior Secretary Jonvic Remulla, PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. at Bureau of Customs Commissioner Ariel Nepomuceno sa tatlong iligal na planta ng sigarilyo sa nasabing probinsiya kahapon.
Sinabi ni Nartatez na may nagpadala ng text sa PNP sa nasabing bodega sa isang business park sa Barangay San Pablo Libutad sa bayan ng San Simon.
Ayon kay Nartatez, agad na nagtungo sa lugar ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), at kanilang pagsilip sa mga bintana ay nakita ang mga “Modern” at “HP” brands ng mga sigarilyo sa loob ng compound.
Gayunman, walang nahuling mga suspek ang mga awtoridad sa nasabing operasyon.
Nabatid pa ng mga awtoridad na walang business permit ang bodega at tinutugis na ang mga nag-mamay-ari o posibleng umuupa sa bodega.
Nakuha sa nasabing operasyon ang maraming mga sigarilyo na nagkakahalaga ng tinatayang P70.14 million.
Ito na ang pang-lima at pinakahuling pasilidad na inuugnay sa iligal na bentahan ng mga sigarilyo, kasunod ng pagsalakay sa pinaniniwalaang factory sa bayan ng Mexico at ang pagkakadiskubre sa tatlong inabandonang lugar sa nabanggit ding bayan, sa San Simon at San Fernando City.










