
Pinangunahan ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) Area Center 2 ang isang pagpupulong kasama ang iba’t ibang pribado at pampublikong tanggapan para sa pagbuo ng Tuguegarao Airport Emergency Committee, alinsunod sa itinakdang pamantayan ng CAAP at mga umiiral na international regulations.
Ayon kay Mary Sulyn Sagorsor, Civil Aviation Area Manager ng Area Center 2, layon ng inisyatiba na maipabatid sa mga direktang kalahok, responders at concerned agencies ang mahahalagang impormasyon kaugnay ng wastong pagtugon sa anumang emergency sa paliparan.
Sinabi ni Sagorsor na pinaiigting ng pamunuan ng Tuguegarao Airport ang kahandaan nito sa pamamagitan ng mas mahigpit na koordinasyon sa mga lokal na ahensya, airline operators, ospital, rescue groups at iba pang institusyon mula sa pribado at pampublikong sektor.
Itinatakdang pangunahing tungkulin ng komite ang pangangasiwa sa mga insidenteng maaaring mangyari sa paliparan gaya ng aircraft accident, sunog, kalamidad at banta ng terorismo.
Kabilang sa mga tinalakay ang malinaw na pagtukoy sa papel ng bawat ahensya at ang paghingi ng buong suporta at kooperasyon sa tuwing may sakuna.
Nakapaloob din sa plano ang agarang pagresponde, mabilis na pagsagip at paglikas sa mga apektado, at pagpigil sa karagdagang pinsala sa tao at ari-arian sakaling magkaroon ng aksidente sa loob ng area of responsibility ng paliparan.
Isinusulong din ang pagpapatibay ng Airport Emergency Plan sa pamamagitan ng information dissemination, patuloy na edukasyon at mas episyenteng koordinasyon sa lahat ng airport emergency stakeholders.
Gagamitin ang Incident Command System o ICS template sa pamamahala ng insidente at titiyakin ang agarang pagmomobilisa ng mga kinakailangang resources na nakasaad sa Emergency Plan.
Paiigtingin din ang koordinasyon sa mga responding agencies para sa On-Airport Aircraft Emergency scenario o EMCON 1 upang masiguro ang maayos na ugnayan at suporta ng mga external responders at support groups.
Bahagi rin ng mandato ng komite ang pagtugon sa mga banta sa pampublikong kalusugan tulad ng naranasang COVID-19, SARS, Ebola Virus, Bird Flu at MERS-CoV upang maiwasan ang posibleng pagkalat ng sakit sa loob at labas ng paliparan.
Dagdag pa ni Sagorsor, isinasagawa ang mga hakbang na ito bilang paghahanda sa inaasahang pagdami ng flights, kabilang ang operasyon ng mga flight school sa Tuguegarao City Airport.
Inaasahan ding magkakaroon ng night flight operations ang paliparan sa oras na makumpleto ang konstruksyon ng bagong terminal building at control tower upang higit pang mapaunlad ang serbisyo nito.










