
Magpapataw ang Canada ng katumbas na taripa sa mga produktong inaangkat mula sa United States simula Setyembre 8, bilang pagganti sa 50% taripa na ipinatupad ng US sa ilang produktong Canadian.
Ayon kay Canadian Prime Minister Mark Carney, kabilang sa tatamaan ng taripa ang steel, dairy products, appliances, agricultural equipment, pulp and paper, electronics at iba pang produkto.
Nagkabigong makabuo ng trade deal ang dalawang bansa matapos ang ilang araw na negosasyon. Sinabi ni Carney na hindi katanggap-tanggap ang mga huling kondisyon na inilatag ng US na aniya’y hindi patas at makasasama sa ekonomiya ng Canada.
Saklaw naman ng bagong taripa ng US ang tinatayang $20 bilyong halaga ng mga produktong Canadian, kabilang ang wine, furniture, dairy products, cement, damit at hockey equipment.
Dahil dito, nangangamba ang mga negosyante sa posibleng pagtaas ng presyo, pagkawala ng trabaho at pagsasara ng ilang negosyo habang lalong tumitindi ang tensyon sa kalakalan ng dalawang bansang matagal nang magkaalyado at magkapartner sa negosyo.










