Binanatan ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro si Senador Robin Padilla matapos nitong sabihing hindi dapat maging “balat-sibuyas” ang mga opisyal ng gobyerno kasunod ng umano’y pangha-harass na naranasan niya sa Canada.

Ayon kay Castro, hindi siya ang tinutukoy na “balat-sibuyas” dahil hindi naman siya nagreklamo o nagpalaki ng insidente. Aniya, mas nararapat na suriin ni Padilla ang sarili nito, kasabay ng pagpuna sa naging reaksiyon ng senador sa naging mainitang palitan nila ni Senador Francis Pangilinan sa Senado.

Iginiit din ni Castro na ang isyu ay hindi tungkol sa freedom of expression kundi sa tamang asal. Tinanong niya kung katanggap-tanggap ba kay Padilla ang paggamit ng mura at pagbabanta ng kamatayan laban sa kapwa, kabilang ang naging pahayag noon ni Vice President Sara Duterte laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Nilinaw rin ni Castro na hindi sila ang nagpakalat ng video ng insidente sa Canada at wala silang isinampang reklamo sa mga awtoridad. Aniya, posibleng ang mismong mga nang-harass sa kanila ang nagbahagi ng video sa social media para sa kanilang sariling content.