Isang colorum na van ang nahuling namamasada ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 2 sa inilatag na anti-colorum operation sa Brgy Carig Sur, Tuguegarao City, Cagayan.

Nabatid na ang naturang van na nahuli sa checkpoint ay galing sa Metro Manila, sakay ang 13-katao patungong Alcala, Cagayan na naniningil ng kabuuang pamasahe na nasa P15K.

Dahil sa naturang paglabag ay impounded na sa tanggapan ng LTFRB Region 2 ang nahuling van para sa kaukulang disposisyon habang ligtas namang naipasakay sa lehitimong namamasadang sasakyan ang mga pasahero nito.

Kasabay nito ay mahigpit ang direktiba ni LTFRB Regional Director Edward Cabase na hindi nila kukunsintihin ang mga colorum na sasakyan.

Tiniyak din ng opisyal na mahaharap sa kaukulang parusa ang sinumang mahuhuli.

-- ADVERTISEMENT --

Muli namang nanawagan ang ahensya sa mga commuters, sumakay lamang sa mga lehitimong pampublikong sasakyan upang maiwasan ang aberya sa daan.