
Umabot na sa 35,000 ang mga checkpoint na ipinatutupad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), isang linggo bago ang unang parliamentary elections sa rehiyon sa Setyembre 14, 2026.
Ayon kay Comelec spokesperson John Rex Laudiangco, bahagi ito ng plano ng komisyon na paigtingin ang seguridad habang papalapit ang halalan, kasabay ng pagdami ng mga tauhan ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines.
Sinabi ng Comelec na wala pa itong natatanggap na ulat ng vote-buying, vote-selling, harassment o intimidation sa BARMM, habang nananatili sa isa ang naitalang election-related incident.
Binigyang-diin ni Laudiangco na hindi dapat ikatakot ng mga residente ang mga checkpoint dahil layunin nitong tiyakin ang kaligtasan ng mga kandidato at botante. Bumaba rin umano sa 21 ang mga lugar na nasa red category o itinuturing na areas of concern.
Tiniyak ng Comelec na tuloy ang halalan sa Setyembre 14 dahil kumpleto na ang mga kagamitan at voting machines, habang natapos na rin ang pagsasanay sa mga guro at PNP personnel na magsisilbing electoral boards.




