Humiling si George Garcia, chairperson ng Commission on Elections (Comelec), ng karagdagang P100 milyong standby fund para sa gaganaping parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations, sinabi ni Garcia na may P3.02 bilyon pang magagamit ang Comelec, ngunit nais nilang magkaroon ng reserbang pondo sakaling kapusin, lalo na sa pagbabayad sa mga election personnel.

Ayon sa Department of Budget and Management (DBM), maaari umanong gamitin ang natitirang P14.9 bilyon mula sa 2025 national at local elections. Gayunman, nilinaw ni Garcia na naka-obligate na ang pondong ito at ang paggamit dito sa ibang layunin ay maaaring maituring na malversation. Sinabi ng DBM na maaari ring pagkunan ang savings mula sa mga nakaraang taon.

Tinatayang kakailanganin ang standby fund sa pagitan ng Hunyo at Hulyo, depende sa pinal na petsa ng halalan.

Samantala, sinabi ni Garcia na posibleng gumamit ng dalawang balota sa halalan dahil sa mga pagbabagong ipinatupad ng Bangsamoro Parliament, kabilang ang pagdagdag ng mga sectoral organization sa balota. Aniya, maaaring umabot sa higit isang metro ang haba ng isang balota na posibleng magdulot ng problema sa vote-counting machines.

-- ADVERTISEMENT --

Mas mainam umano na hatiin sa dalawang balota—isa para sa parliamentary district at political party, at isa para sa sectoral organizations—upang maiwasan ang kalituhan ng mga botante.

Iginiit ni Garcia na dapat maidaos ang halalan ngayong taon “at all costs,” dahil ang 2027 ay taon ng paghahanda para sa national at local elections. Binigyang-diin din ni House Committee on Suffrage and Electoral Reforms Chairperson Zia Alonto Adiong na hindi na dapat muling maantala ang halalan sa BARMM.

Naaprubahan na ng House Committee on Appropriations ang panukalang batas na nagtatakda ng Setyembre 28, 2026 bilang petsa ng unang regular parliamentary elections sa BARMM.